Sunday, September 20, 2009

Pulitika at Lipunan sa Pilipinas

Sa mata ng bata,

ang maling halimbawa

ay nagiging tama;

Bilang matatanda

wag maging pabaya,

maging ulira!


Marahil ang mga katagang ito ang sumasalamin sa kasalukuyang nangyayari sa ating lipunan. Ang mga katagang ito ay nagpapahiwatig na ang bawat maling asal na ginagawa ng mga nakatatanda na nakikita ng mga bata ay kanilang pinagkakamalang tama kung kaya’t ito’y tinutularan nila. Ito ay tila lubhang nakababahala sapagkat sinasabing ang mga bata ang pag-asa ng ating bayan. Ngunit paano kung mali at baluktot ang mga asal na kanilang natututunan sa mga pinuno ng ating bansang Pilipinas? May pag-asa pa bang maging maliwanag o maunlad ang kinabukasan na inaasam-asam at ninanais ng bawat mamamayang Pilipino? Sa kasalukuyan, ito’y hindi pa natin matitiyak lalo na at paparating nanaman ang halalan at hindi pa natin alam kung sinu–sino ang susunod na magiging mga pinuno ng ating bansa. Sila ba ay namulat at nabuhay na gumawa ng tama? Sila ba ay magbibigay ng magandang ehemplo sa kanilang kapwa pinuno at sa taong bayan? Nakakalungkot dahil malalaman lamang natin ang mga sagot sa mga tanong na ito kung kailan nahalal na natin ang ating mga pinuno.


Musmos pa lamang ay mulat na ang mga Pilipino sa kalagayan ng ating bansa. Ang mga pinuno ng ating bansa ay minsan ding naging musmos. Ang kanilang kinalakihang pamumuhay at kapaligiran ay ilan sa mga maituturing na nakapagimpluwensiya sa kung ano sila ngayon at kung anong uri ng pamamahala ang sa tingin nila’y nararapat para sa ating bansa. Mula noon magpasahanggang ngayon ay nabahiran na ng masasamang loob ang sistema ng pulitika sa ating bansa kung kaya’t maaring nakintal na sa puso’t isipan ng ating mga pinuno ang ganitong uri ng pamamahala. Hangga’t hindi nabubuwag ang mga hindi kanais-nais na tradisyon at paniniwala patungkol sa pulitika sa Pilipinas, magpapatuloy ang ganitong sistema hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Paikot-ikot lamang tayo at tila hindi na nagbabago ang kaisipan natin tungkol sa ideyang ito. Ang sambit ng karamihan ay wala na talagang pag-asa ang ating bansa ngunit ang totoo’y punung-puno ito pag-asa. Ang kailangan natin ay hindi lamang pagbabago ng sistemang pangpulitikal, bagkus pagbabago rin mula sa ating mga sarili.



Ang isa pang kaugaliang naitanim na sa isipan ng mga Pilipino ay ang pagiging parang mga bata pagdating sa pamamahala ng ating bansa. Hindi kaila sa ating mga Pilipino ang kalagayan ng ating bansa simula pa noong panahon ng ating mga ninuno hanggang sa ngayon. “Kupad–pagong” at tila kawalan ng pag-asang umahon pa sa kahirapan ang sinisigaw ng karamihan ukol sa buhay sa Pilipinas. Isa sa mga sinasabing dahilan kung bakit patuloy tayong nakararanas ng ganitong uri ng kabuhayan ay ang sistema ng pulitika dito sa ating bansa. Demokrasya ang kinagisnan na sistema ng mga Pilipino kaya’t ang kapangyarihan ay nasa kamay ng mga mamamayan. Maituturing na isa sa mga pinakamahalagang kapangyarihan dulot ng pagiging isang demokratikong bansa ay ang kakayahan ng mamamayan na magluklok ng kanilang ninanais na maging pinuno ng ating bansa. Ngunit ang nangyayari sa ating bansa ay taliwas sa tunay na kahulugan ng pagiging isang demokratikong bansa o kung hindi naman ay tila hindi nagagamit ng husto o tama ng mamamayan ang kanilang kapangyarihan. Dahil dito, marami sa atin ang nagsisisihan kung bakit ganito na lamang ang katayuan ng ating bansa kumpara sa ibang mga mauunlad na bansa.


Sa kabila ng mga suliraning hinaharap ng ating bansa, isa lamang ang dapat na matutunan ng sambayanang Pilipino – ang pagkakaisa. Pagkakaisa tungo sa pagiging malaya mula sa kamay ng mga sakim na maykapangyarihan at pagkakaisa tungo sa isang matatag at maunlad na republika. Dahil kung hindi natin ituturo sa mga Pilipino, at lalo na sa mga kabataan, ang pagiging isa at mapagmahal sa bayan, marahil ay darating ang araw na hindi na makikita ng mga Pilipino ang liwanag ng pag-asa para sa kinabukasan ng ating bayan.

1 comment:

  1. Cobra II: The Battle of the Cobra II - Titanium Arts
    Cobra II: The Battle of the Cobra II is the first Battle of titanium rods the Cobra 토토 사이트 추천 II with Cobra 2 silicone dab rig with titanium nail and 3 levels womens titanium wedding bands of control. These levels can be fallout 76 black titanium found in

    ReplyDelete